Wednesday, April 8, 2009

Nang Matulala si Harvey!

I always like the way governor Grace writes. She is very simple and applies the words that everybody could understand.




Nang Matulala si Harveyni: Gov. Grace Padaca

Abante Tonitehttp://abante-tonite.com/issue/apr0809/opinions_kaya.htm

Si Harvey Keh ay iyong batang propesor sa Ateneo na noong eleksyon ng 2007 ay sumulat tungkol sa pitong kandidato na kung mananalo aniya ay aalis na lang siya sa Pilipinas kahit maiwanan niya ang mga naumpisahan niyang proyekto katulad ng Pathways to Education at Ahon Foundation.***

Mabuti na lang, isa lang sa pito ang nanalo. Nanatili sa bansa si Harvey at siya pa ang na­ging susi sa paglapit namin nina Among Gov. Eddie Panlilio ng Pampanga at Mayor Jesse Robredo ng Naga City. Isang pagpupulong namin sa Club Filipino noong June 2008 ang nagbunga sa pagkakabuo ng grupong Kaya Natin: A Movement for Good Governance and Ethical Leadership.***

Ang pinaka-layunin ng Kaya Natin ay ibahagi ang karanasan naming tatlo sa napakahirap pero matagumpay naming pinagdaanan bago kami nahalal, ang mga hamon sa gitna ng pamahalaang hitik sa anomalya, at ang napakaraming pagkakataon para sa tiyak na pag-unlad ng Pilipinas kung mapapasakamay lamang sa mararangal na tao ang kapangyarihan ng gobyerno.***

Lagi kong sinasabi saaking mga talumpati, maghalal kasi tayo ng mga karapat-dapat na mayor, gobernador, congressman, sangguniang ba­yan, barangay kapitan, barangay kagawad. Huwag nating iasa ang ating bansa sa iisang tao lamang, katulad ng Pangulo na kapag pumalpak ay ang hirap-hirap patalsikin. Seryosohin kasi natin kapag may halalan, kung hindi ay anim na taon, tatlong taon tayong magtitiis. Sayang ang panahon, samantalang ang daming pera ng gobyerno na puwedeng ipamahagi sa mga lubhang naghihirap na Pilipino.***

Ang tawag namin kay Harvey, siya ang Boy Abunda ng Kaya Natin. Siya ang nag-a­a­yos ng aming busy schedules, pati iyong kina Governor Teddy Baguilat ng Ifugao at Ma­yor Sonia Lorenzo ng San Isidro, Nueva Ecija, para makaluwas kami sa Manila o sa iba pang lugar, para magbahagi sa mga Pilipino na hindi lahat ng tao sa gobyerno ay salbahe, na huwag ta­yong mawawalan ng pag-asa sa bansa. Kaya natin!***

Sobrang hindi totoo ang akala ng iba na ang Kaya Natin ay front lang ng Liberal Party. Iyong iba ngang taga-Liberal naiinis kay Harvey, kasi akala nila siya ang may isip na gawin kaming kandidato ni Among Gov.***Ang totoo niyan, noong parami na nang parami ang nangungulit na kumbinsihin kami nina Among Gov, Mayor Jesse at ako na tumakbo sa national positions, doon ko unang nakitang biglang tumahimik si Harvey.***

Uy, sabi ko sa kanya, ba’t ka tulala? Oo nga, sabi niya. I am not usually dumbfounded. Kasi alam niya, iba na ito sa simpleng ginagawa lamang namin sa Kaya Natin na pagbabahagi tungkol sa good governance and ethical leadership.***Ako, hindi pa ako natutulala noon dahil hindi ko pa lubos maisip ang posibilidad. Wala pang desisyon. Pero si Harvey, alam ko na siya agad ang pupuntiryahin. Alam ko, mahirap ihiwalay ang kanyang papel sa Kaya Natin na hindi isang grupong pampulitika doon sa P3 movement (Panlilio-Padaca sa Pagbabago) na hindi naman siya miyembro.***

Nagpulong kami noong Lunes -- ang Kaya Natin at ilang kasapi ng P3 para magkaliwana­ngan sa biglang direksyon ng mga pangyayari. Prangka ang mga palitan ng salita. Kung iniisip mo lang ang damdamin mo at hindi ang kapakanan ng ating bansa, magdaramdam ka, masasaktan ka. Pero sabi nga ni Among Gov, there is so much goodwill in this room, kailangan lang ay magkaunawaan tayo.***

Oo nga, kung matindi man ang mga damdamin at salita, iyon ay dahil sa maalab na pagmamahal at pagmamalasakit sa ating bansa. Noong una nga ay may iyakan pa sa harap namin nina Among Gov, Mayor Jesse, Gov. Teddy at Mayor Sonia, dahil bakit palala na lang nang palala ang mga nangyayari sa Pilipinas?***

Si Harvey, hindi naiyak pero natulala. Malaking responsibilidad ito sa bansa. Maraming panlalait ang bubuhos. Mara­ming hindi tamang akala ang lalabas. Pero kung ang lahat ng ito ay para sa inang bansa, okay lang, kakayanin natin!***

Email: kayanatin@yahoo.com Text: 0919-3533222

No comments:

Post a Comment